Philippines
This article was added by the user Anna. TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Pang-3 branch ng Alfamart, hinoldap

MAKARAANG pagnakawan ang dalawang branch ng Alfamart, tila panghoholdap naman ang puntirya ng mga suspek matapos tangayin ang tinatayang P4,000 kita ng tindahan sa Bacoor City, Cavite, ayon sa ulat Martes ng gabi.

Sa salaysay ni John Dave Sinalua, 26, store crew ng Alfamart, Niog 2 Branch sa Bacoor City Cavite kay PSSgt Andre Abesamis, alas-10:30 Lunes ng gabi nang isagawa ang panghoholdap.

Pumasok umano ang dalawang suspek na nagkunwang mga customer habang ang isa pang nakamotorsiklong suspek ay nagsilbing lookout.

Kasunod noon ay naglabas ng di nabatid na kalibre ng baril at nagdeklara ng holdap ang mga salarin.

Tinangay ng mga ito ang tinatayang P4K kita ng tindahan at ang Samsung cellphone (company phone) saka mabilis na tumakas.

Matatandaang Lunes ng madaling araw nang pasukin ng kawatan ang Alfamart, Buhi, Silang branch at tangayin ang P260,000 na kita ng tindahan kung saan dumaan ang mga suspek sa ilalim ng drainage mula sa isang ilog at naghukay patungo sa nasabing tindahan.

Martes naman ng gabi nang tuklapin ng kawatan ang bubong ng Alfamart, Soldier Hills branch sa Brgy Molino 6, Bacoor City at saka nilimas ang P24,000 halaga ng paninda. (Gene Adsuara)