Philippines
This article was added by the user Anna. TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Metro Manila suspendido pa color coding

Wala pang plano ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang suspension sa color coding sa Metro Manila kahit nagluwag na ng alert level system sa National Capital Region.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na hindi pa normal ang operasyon ng mass transport system at kapag inalis ang suspension ay posibleng makadagdag sa siksikan sa bus, jeep at MRT at LRT ang mga motoristang hindi makagamit ng sasakyan ng isang araw.

Magiging pagmulan aniya muli ito ng posibleng kontaminasyon sa COVID-19 kaya mananatili ang suspension sa color coding.

“Ang ating public transportation hindi pa normal ngayon, ‘yong mga buses natin, mass transport, LRT habang inaayos po ‘yan, hangga’t maaari ay sinususpinde muna namin ang color coding. Isipin mo kung isa lang ang kotse mo, saan ka sasakay? Sasakay ka sa jeep, sasakay ka sa bus, MRT? Baka magkasiksikan lalo,” ani Abalos.

Ang personal na sasakyan ayon sa MMDA Chairman ay personal bubble ng isang indibidwal na may trabaho sa labas ng kanilang tahanan at kung inalis ito sa isang araw ay posibleng malagay sa peligro ang kaligtasan sa COVID-19.

Tiniyak ng MMDA chairman na nakabantay naman sila sa takbo ng traffic araw-araw para hindi mahirapan ang mga motorista sakaling magsikip sa trapiko lalo na sa peak hours. (Aileen Taliping)