Philippines
This article was added by the user Anna. TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Robin Hood matibay sa 3YO Above Race

NAKIPAGBAKBAKAN si Robin Hood sa rektahan upang masilo ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite nitong Miyerkoles ng hapon.

Nagkapanabayan sina Robin Hood, O Sole Mio at Performance Gear sa huling kurbada kaya naman nagkaroon ng mainit na labanan sa rektahan.

Subalit sa huling 100 metro ng laban ay malinaw na nasa unahan ang winning horse habang pilit na humahabol ang mahigpit na katunggali na si O Sole Mio.

“Ang ganda ng laban, sa home turn hindi mo pa alam kung sino sa kanilang tatlo ang mananalo,” saad ni Marcelino Ladiana, veteran karerista.

Nirendahan ni jockey RM Garcia, inilista ni Robin Hood ang 1:29.8 minuto sa 1,400-meter race sapat upang ibulsa ng horse owner ang added prize na P10,000 sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.

Sumegunda si O Sole Mio habang third at fourth placer sina Performance Gear at Sampaloc Best, ayon sa pagkakasunod. (Elech Dawa)