Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Ang Heat o ang Nuggets?

Maraming basketball fans mga tropapips, partikular sa NBA, ang luhaan nitong nagdaang mga araw dahil “winalis” ng Denver Nuggets sa Western Conference finals ang LA Lakers.

Maraming fans ng Lakers ang umaasa kay LeBron James na makakagawa ng kagila-gilalas na pangyayari na mala-Michael Jordan, para makabangon ang tropa niya sa pagkakabaon sa 3-0 lead ng Denver.

Kaya lang, siyempre, hindi naman Looney Tunes movie na “Space Jam” ang NBA. Ika nga, real world ang Game 4 sa NBA, at kailangan din niya ang suporta ng mga tropa niya para manalo.

Kaya ang resulta, kinapos ang powers ng Lakers at tuluyan silang winalis ng Denver sa nakapanglulumong 113-111 na iskor.

Pero kung sakaling nanalo man ang Lakers sa Game 4, aba’y mayroon pang Game 5, Game 6, at Game 7, na paglalabanan. Aba’y malamang na nagpista ang Lakers fans kung magagawa nilang makapasok sa finals na ika nga sa “come from behind” victory.

Eh kaso hindi. Dahil nanalo ang Denver ni Nikola Jokić, sila ang maglalaro sa NBA finals, na kauna-unahang nagawa ng kanilang team sa kasaysayan ng kanilang prangkisa. Kaya naman may ibang Lakers fans na masaya na rin naman para sa Nuggets.

Ang “come from behind” victory ang muntik na sanang magawa ng Boston Celtics sa Eastern Conference finals laban sa tropa ng Fil-Am coach ni Erik Spoelstra na Miami Heat.

Makaraang ilubog ng Heat sa 3-0 ang Celtics, aba’y nakabawi ng tatlong sunod na panalo ang huli at naitabla sa 3-3 ang kanilang serye, at itulak ang do-or-die na game 7.

Pero sa dulo— nganga ang fans ng Boston—sila’y pinaasa lang ng Heat at makakaharap ng Denver sa championship o Finals. Pero malamang na kakaba-kaba ang kababayan nating si Spoelstra sa game 7.

Dahil sa Eastern Conference finals noong 2022, sila rin ng Celtics at naglaban. Ang matindi, ganoon din ang nangyari na nakauna sila ng 3-0 sa serye. Hanggang sa nakabawi rin ang Celtics na naitabla ang serye sa 3-3, at nagkaroon din ng do-or-die na game 7.

Ang resulta, nanalo ang Celtics at umuwing luhaan noon ang Heat. Kaya naman siguro parang pinigil na ihi na biglang naka-jinggle na naging maluwag ang pakiramdam ni Spoelstra nang manalo sila sa game 7 ngayon. Aba’y kahiya-hiya nga naman kung naulit ngayon ang nangyari noong nakaraang taon.

Ngayon ang tanong, sino kaya ang mananalo sa NBA finals at gaano tatagal ang serye? Ang iba, tumataya sa Nuggets dahil sila ang may best record sa Western Conference, at binardagul ang Lakers.

Bukod doon, mukhang taon daw yata ngayon ng Denver na gutom na magkaroon ng championship ring sa unang pagkakataon, kasama ang kanilang pambato na si Nikola Jokić.

Pero kung pagiging batak naman daw ang pag-uusapan, mukhang palaban ang tropang Heat ng kababayan nating si Spoelstra. Habang ilang araw na napahinga ang Denver, ang Heat, ensayadong-ensayado dahil umabot sila sa game 7 ng Celtics.

Ang hula ng marami nating tropapips, hanggang game 6 ang Finals pero hindi nila masiguro kung sino ang mananalo. Pero kahit anong mangyari— Heat ang puso at taya ko! Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”