Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Cong Teves sinuspinde uli, sinipa sa mga komite

Inaprubahan ng Kamara ang rekomendasyon ng House committee on ethics and privileges na muling suspendihin ng 60 araw at alisin bilang miyembro ng mga komite si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. dahil sa hindi nito pag-uwi sa bansa at hirit na political asylum sa Timor-Leste.

Sa sesyon ng plenaryo nitong Miyerkoles ng gabi, Mayo 31, bumoto ang 285 kongresista pabor sa rekomendasyon ng komite. Ang chairperson ng komite na si COOP-NATCCO party-list Rep. Felimon Espares ang nagbasa ng rekomendasyon laban kay Teves.

Nakapaloob ang rekomendasyon sa House Committee Report No. 660.

Iginiit ni Espares na pinag-aralan ng mga miyembro ng komite ang kanilang naging aksyon laban kay Teves.

Na-expire noong Mayo 23 ang unang ipinataw na 60 araw na suspensyon kay Teves bilang miyembro ng Kamara dahilan upang muling magpulong ang komite upang talakayin ang ipapataw na panibagong parusa laban sa kanya.

(Billy Begas/Eralyn Prado)