Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

[Episodes] Batang presscon

Kapag estudyante kang napiling kumatawan iyong paaralan sa kahit anong paligsahan, lagi itong masayang okasyon. Una, excused ka sa klase. Pag oras na para umalis, ipagpapaalam ka sa guro mong sasabihan ka pa ng “good luck,” bibitbitin mo ang bag mo palabas habang sinusundan ka ng tingin ng buong klase. Siguro sabi nila, sana sila rin pwedeng lumabas. 

Pangalawa, sasakay ka sa van o jeep ng eskuwelahan. May kaunting yabang kapag suot-suot mo ang uniporme, school ID, at school paper ID na may naglalakihang “PRESS” na nakasulat dito. Pangatlo, minsan may libreng pa-merienda o tanghalian. Matitipid mo ang kakaunti mong baon. 

Pagdating mo sa lugar ng paligsahan, makakasalamuha mo mga estudyante ng ibang paaralan. Hindi mo mapigilang ihambing ang sarili mo sa kanila – mukha ba akong singtalino, singhusay, singhanda nila? At dahil teenager, hindi mo rin maiwasang tumingin kung may cute ka bang makakalaban. Gwapo lang ba sya o magaling din, mas magaling pa sa iyo? 

Maraming alaala sa high school pero isa sa mga nanatili sa akin ay ang pagsali ko sa tinatawag noong “presscon” na ngayon ay Division Schools Press Conference, Regional Schools Press Conference, hanggang National Schools Press Conference. Iba-ibang antas ang kompetisyon: nasasala ang mga estudyante, matira ang matibay hanggang sa pambansa. Iba-iba rin ang mga kategorya sa English at Filipino: newswriting, editorial writing, feature writing, sportswriting, copyreading and headline writing, photojournalism, editorial cartooning. 

Hasang-hasa kami ng aming school paper adviser na si Sir Reynaldo Binuya. Dahil kay Mr. Binuya, umigting ang kagustuhan kong maging manunulat at mamamahayag. Kinukwento nya lang naman ang mga nababasa nyang libro at pahayagan, pero dahil parang buhay ang kwento kapag galing sa kanya, gugustuhin mo na ring magbasa, at maging maalam katulad nya. 

Feature writing ang sinalihan ko noong second year, noong features editor ako sa pahayagan. Noong third year, bilang associate editor, sumali ako sa editorial writing. Noong fourth year, newswriting. Dito na ako pinalad na umabot sa national level. Umiikot sa mga rehiyon ang paghohost ng national contest; nataon na National Capital Region ang host noong 1992-93 kaya hanggang Rizal High School sa Pasig lang ang binyahe namin. Isang linggo rin kaming natulog sa tabi-tabing folding bed sa mga silid-aralan ng napakalaking eskuwelahang ito. Adventure nang matatawag iyong pagpunta sa bagong-bukas na SM Megamall at pag-ice skating sa basement. 

Mahabang oras ng paghahanda para sa kompetisyon. Bibili ka at magbabasa ng pahayagan – wala pang soft copy noon, kaya namumuwalan ang bag sa kapal ng mga dyaryong bitbit mo. Titingnan mo ang estilo ng pagsulat ng mga propesyunal na mamamahayag, aalamin mo ang mga paksang nasa balita noong mga panahong iyon. Susulat ka ng mga draft at pupunahin iyon ng iyong adviser. Magbabaka-sakali kang ang ibibigay na paksa sa araw ng paligsahan ay paksang pamilyar sa iyo.

Aasa kang mananalo ka. 

Mga 15 taon mula nang magtapos ako ng high school, una akong naimbitahan bilang lecturer at judge sa mga ganitong presscon. Naging suki rin ng ilang DepEd office lalo na kapag division o regional level. Minsan na ring nakabyahe sa Koronadal para sa national contest. Kahit na tambak ang trabaho sa desk araw-araw tuwing hapon hanggang gabi, sa umaga naman ay may panahong paunlakan ang ganitong mga imbitasyon. Minsan nga lang, babyahe ka ng malayo, maghihintay nang matagal, aabutan ng malakas na ulan o baha kaya hindi ka agad makapasok sa trabaho pagkatapos. Naranasan ko na ring ma-kwestyon kung bakit itong paaralan at hindi ito ang nanalo. Minsan din, may adviser na lumapit sa akin para ibulong ang numero ng kanyang “alaga” – bawal kasing isulat ang pangalan at paaralan sa official entry sheet. 

Pero walang kaso lahat ng ito. Kung pasok naman sa schedule ang paglecture at pag-judge sa mga presscon, hinding-hindi ko pinapalampas ang ganitong pagkakataon. Naaalala ko kasi ang sarili ko sa mga bata. Lagi tayong may pangarap na pwede nating kausapin ang mga nakababata nating sarili. Ilang beses pa ba ako magkakaroon ng pagkakataon na magbahagi ng kaalaman tungkol sa propesyon, o magsalita tungkol sa landas na pinili ko sa harap ng mga batang hindi pa sigurado kung anong landas ang tatahakin? 

Bukod pa rito, nakakasalamuha ko ang mga kasamahan sa industriyang naimbitahan din para sa sarili nilang kasanayan. Ilan sa kanila, dahil sa dalas ng aming pagkikita, naging mga kaibigan na rin. Syempre pa, hindi nauubusan ng pa-almusal, pa-merienda, pa-tanghalian. Hindi magugutom ang mga lecturer-judge sa mga ganap na ito. 

Ngayon, marami nang nagbago mula nang sumali ako sa presscon. Pumanaw na si Mr. Binuya ilang taon na ang nakakaraan. Iniisip kong siguro, masayang syang ito ang napili kong gawin sa buhay ko. Pumanaw na rin ang isa sa mga batikang editorial cartoonist, si Mr. Rene Aranda ng Philippine Star, na hindi nauubusan ng kuwento, biro, payo, at komentaryo sa tuwing makakasabay kong mag-judge. May ibang kategorya nang nadagdag – sa pang-indibidwal, mayroon nang column writing at science and technology writing. May mga group categories tulad ng radio scriptwriting and broadcasting, collaborative desktop publishing, online publishing, at TV scriptwriting and broadcasting. May patimpalak din para sa iba’t ibang seksyon ng pahayagan. 

Dahil sa teknolohiya, iba na siguro ang paghahanda. Mas maraming halimbawa mula sa iba’t ibang pahayagan na siguro ang nababasa ng mga bata. Mas madali na rin silang makakasagap ng balita, lalo’t dahil maaari nang mag-share ng mga artikulo sa social media. 

Yun nga lang, may ibang bagay ding dala ang teknolohiya. Dati, nung estudyante ako, alam na alam naming mga tunay na pahayagan ang aming binabasa. Problema ang hirap sa pagkuha ng impormasyon. Ngayon, naglipana ang kung ano-anong “sources” ng impormasyong may layong manggulo at magpalaganap ng kasinungalingan. Ang masaklap pa dito, hindi lang mga mag-aaral ang nabibiktima ng disimpormasyon. Mga guro at magulang din. Kailan at papaano, kung ganoon, magsisimulang mag-isip nang kritikal ang mga batang may interes sanang maging mamamahayag?

At kaya na nga bang gawin ng artificial intelligence ang ginagawa ng mga manunulat at mamamahayag? Kung gayon, bakit pa natin ginagawa ito?

Bukod sa paghahanda para sa kategoryang sasalihan, maraming pwedeng matutunan ang mga estudyante bago pa man sya sumabak sa kompetisyon, sa pakikisalamuha sa kapwa estudyante o pakikinig sa mga propesyunal. Na ang mamamahayag ay hindi lang taga-echo o tagadala ng propaganda ng kahit sino, kundi tagapaglatag ng mga isyu para makapag-isip at makapag-usap ang mga tao. Na ang ginagawa natin ay dapat tingnan bilang higit pa sa trabahong pagkakakitaan. Na mas kailangan ng mga mamamahayag sa panahon ng inimbentong balita at mga opinyong walang basehan. At, na sa pagpasok mo sa tunay na mundo ng peryodismo, marami kang haharaping pagsubok at desisyong hindi mo napag-aralan o napaghandaan. Ano ang gagawin mo? Mananatili ka ba o aalis na lang? 

Sa mga ganitong paligsahan, hindi dapat ipako ang aspirasyon sa pagkakapanalo lang ng paaralan, na para bang wala nang hihigit kaysa dito. Naiintindihan kong maraming insentibo mula sa LGU ang mga bata at paaralang nagbibigay karangalan sa kanila. Pero mas mahalagang silipin ang kalidad ng pagkatuto at paghahanda ng mga bata: sa peryodismo, sa pagpapalabas ng impormasyon, at maging sa pagtanggap at paggamit nito. Hindi ito nawawala o nalilimutan, kahit magkolehiyo na ang mga bata, kahit ibang hanapbuhay pa ang pasukin nila.

Isang karangalan at pribilehiyo ang maging batang presscon – noon, at higit kailanman, ngayon. – Rappler.com

Adelle Chua is Assistant Professor of Journalism at the UP College of Mass Communication. She was an opinion writer and editor for Manila Standard for 15 years. Her past and current work can be found on www.adellechua.com.