Philippines
This article was added by the user Anna. TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Mag-asawang pulis nakapulot ng P20K cash, kinontak may-ari

IPINAMALAS ng mag-asawang pulis ang katapatan sa tungkulin nang isoli ng mga ito nitong nagdaang Huwebes ang napulot nilang isang bag na naglalaman ng P20,000 cash.

Kinilala ang mag-asawang pulis na sina Police Corporal Chester Alibin mula sa Aurora Police Provincial Office at Police Corporal Lynette Reynoso-Alibin, na nakatalaga naman sa Baler Police Station.

Ayon sa Philippine National Police, hapon ng Huwebes nang mapulot ng mag-asawang Alibin ang bag sa Barangay Pingit sa Baler, Aurora.

Nang siyasatin ay tumambad ang wallet ng may-ari na may lamang P20,069 cash at ilang mga ID.

Sa halip na ariin, kinontak ng magkabiyak ang may-ari ng bag at sinoli lahat sa kanya ang napulot na gamit.

Labis namang hinangaan ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar ang tinuran ng kanyang mga tauhan.

“Saludo ako sa mag-asawang pulis na ito na naging tapat at ginawa ang tama sa kabila ng hirap na dinaranas nating lahat ngayong pandemya.” (Kiko Cueto)