Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Nakaka-miss ang dating Senado, nakaka-miss si Senador Ping Lacson

Ilang taon din akong naging empleyado ng Senado at sa aking pamamalagi sa institusyon ay napatunayan ko kung sino- sinong mga senador ang mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi dahil matapos na magsalita ay talagang may nangyayari.

Mayroon din namang hindi nagsasalita pero mababasa at mababalitaan mo na lamang ang mga nagawa buhat mismo sa mga nakabenipisyo sa mga ito.

Sa unang dalawang pangungusap na aking binanggit ay pinakauna sa listahan ko si Senador Panfilo Lacson dahil nasubaybayan ko ang halos kabuuan ng kanyang paglilingkod bilang senador at kahit na kapiranggot ay wala akong naalala na hindi niya ikinonsidera ang epekto sa higit na nakakarami ng kanyang mga hakbang o desisyon.

At sa kasalukuyan na nasa pribadong sektor siya, mararamdaman pa rin ang kanyang pagsusuri at pagmamatyag sa mga nangyayari, malinaw na indikasyon na nasa dugo na talaga niya ang serbisyo-publiko, serbisyo-publikong hindi sa materyal na bagay matitimbang kundi pag-analisa sa maaring mangyari sa mga susunod na henerasyon kapag ang gobyerno ay nalihis sa dapat na direksiyon.

Sa kasalukuyang administrasyon sa Senado, hindi nakikita ang mga ganitong uri ng katangian.
Kung pagsuporta kasi sa ehekutibo ang pag-uusapan, tila malayo dito ang ginagawa ng kasalukuyang liderato dahil parang isinuko na ng institusyon ang karapatan at kapangyarihan nitong balansehin at itama ang mga wala sa lugar na nilalaman ng ilang mga panukalang nais ng administrasyon na maipasa.

Sa madaling sabi, parang tango na lamang nang tango ang ginagawa ng Senado sa kasalukuyan sa ilalim ng kasalukuyang liderato.

Kaya nga kailangan sigurong mag-throw back na muna ang kasalukuyang liderato ng Senado para mabalikan niya kung paano binalanse ng kanyang mga sinundan ang mga situwasyong nangangailangan na maging matigas ang paninindigan ng institusyon upang mapanatili ang kasarinlan nito buhat sa ehekutibo.

Ganoon din ang liderato ng Kamara, kelangan na rin nitong baguhin ang direksiyon ng pamumuno para maging kuntento ang karamihan sa mga mambabatas at hindi na umugong ang mga impormasyon na siya ay tinitibag.

Muntik na nga daw magtagumpay ang grupo ng mga hindi na natutuwa sa kasalukuyang liderato.

Simple lamang ang lideratong dapat na maging gabay ng Senado at Kamara sa ilalim ng kasalukuyang situwasyon.
Sa Kamara dapat na umiral ang pagkakapantay-pantay.

Sa Senado naman dapat na gawing gabay ng mga kasalukuyang lider nito ang kanilang mga sinundan upang hindi mapag-isipan na sunod-sunuran lamang.

Kaya nga nakaka-miss talaga ang dating Senado.