Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Nasaan ang roadmap para tapusin ang education crisis?

Nakakabahala ang taas ng learning poverty sa Pilipinas. Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2022, ang learning poverty sa Pilipinas ay may 56.4 percentage points, isa sa pinakamataas sa East Asia and Pacific region. Ibig sabihin, 9 out of 10 Filipinos na may edad na 10, sa pagitan ng Grade 4 and Grade 5, ay hirap magbasa at umintindi ng “short, age appropriate text.” 91 percent ng kabataang Pilipino na nasa late primary age ay hirap na hirap magbasa!
Ayon din sa World Bank, mas pinapalala ng ating learning poverty ang mataas na bilang ng mga out-of-school youth. 5 percent ng mga primary school-aged children ay hindi enrolled sa mga paaralan.

Kung hindi ito maagapan, may malalim na tama ito sa ating labor force at economic development, partikular na ang malaking posibilidad na tataas lalo ang ating unemployment rate. Sabi nga nila, “reading is the gateway to learning.” Ito ay isang mahalagang kakayahan para mas lumalim ang ating pagkatuto, at isang basic skill para umabante sa loob ng iba’t ibang learning institutions at makasali sa ating workforce. Kapag edukado ang ating mga manggagawa, mas may oportunidad silang magkaroon ng mas magagandang mga trabaho at mas makatulong sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya.

Sa deliberasyon ng 2023 national budget, giniit ni Vice President Sara Duterte, na tumatayong Education Secretary, na kung bibigyan lamang ang Department of Education (DepEd) ng additional na P 100 billion, mareresolba daw nila ang krisis sa edukasyon sa dulo ng kanyang termino. Wow! Talaga ba? Parang mali ang math. Mukhang kulang ang sinasabi niyang P 100 billion para tapusin ang ating education crisis. Ang 2023 education budget ay P 710 billion. Ito ay 4.3% lamang ng ating Gross Domestic Product (GDP), hindi pumapasa sa global standard na 6%. Kung seryoso si VP Sara na solusyunan ang education crisis sa Pilipinas, kailangan niyang ipaglaban na ang education budget ay 6 % ng GDP, o additional budget na P 1.4 trillion.

Ito ang dapat inaasikaso ni Vice President Sara. Kaysa inuubos niya ang kanyang oras at panahon sa mga maniobrahan at bangayan sa Kongreso kasama si Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo, dapat ginagamit niya ang kanyang “political will” at malawak na “public goodwill” para komprehensibong ayusin ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Mag-iisang taon na ang bagong pamahalaan, pero tila wala pa ring road map si VP Sara at maging si President Bongbong Marcos Jr. para aktibong tugunan ang krisis ng edukasyon sa ating bansa. Ito ba ang gusto nilang legacy sa kanilang pamamahala: isang bansa na hindi marunong magbasa?
———
Damang-dama din ang krisis sa edukasyon sa Unibersidad ng Pilipinas. Nitong Abril, sinalubong ng protesta ang pagpili ng UP Board of Regents kay UP College of Law dean Edgardo Vistan II bilang bagong UP Diliman chancellor. Ito ay sa kabila ng malawak na suporta ng UP Diliman community at iba’t-ibang sektor kay Fidel Nemenzo, ang UP Diliman chancellor na pinalitan ni Vistan. Ayon sa mga mag-aaral, akademiko, manggagawa at iba pang sektor, hindi pinakinggan ng UP BoR ang kanilang tinig. Ani nila, maraming mahahalagang reporma ang naisakatuparan ni Nemenzo sa kanyang termino.
Dahil dito, inusig ng marami ang UP BoR. Nanawagan sila ng “transparency” at “democratic governance.” Nais din nilang isapubliko ng BoR kung papaano ito bumoto at pinagpapaliwanag kung ano ang batayan sa kanilang pagboto. Marami ang nagsasabi na naging fraternity at trapo dominated ang seleksyon sa UP Diliman Chancellor.
Si Fidel Nemenzo ay isang mathematician at UP professor. Kilala siya sa kanyang progresibong aktibismo. Siya ay anak ni dating UP President Francisco “Dodong” Nemenzo, isang tanyag na sosyalista.