Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

P27M multa vs Maynilad namumurong doblehin ng MWSS

Nagbabala si Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Chief Regulator Patrick Lester Ty na maaaring madoble ang multa ng Maynilad Water Services Inc. dahil sa patuloy na palpak nitong serbisyo sa southern part ng Metro Manila na nasa Putatan Water Treatment Plant nanggagaling ang supply ng tubig.

“Puwede pong madoble don depende po kung after six months, kung gaano pa rin kadami ang affected,” sabi ni Ty sa panayam ng PTV4.

Pinagmulta ng MWSS Regulatory Office ang Maynilad ng P27.48 milyon noong Enero dahil bigo itong magbigay ng 24/7 na supply ng tubig sa mga kustomer sa Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, at iba pang lugar sa Cavite. Ibinalik ang multa sa mga kustomer na naperwisyo ng Maynilad sa pamamagitan ng rebate.

Sabi ni Ty, pinagpaliwanag na ng MWSS Regulatory Office ang Maynilad dahil sa dami ng reklamo dito kahit napagmulta na ito noong Enero. Nagsumite na aniya ng paliwanag ang Maynilad at pinag-aaralan na ito ng Regulatory Office.

Samantala, maglalabas umano ng bagong patakaran ang tanggapan ni Ty sa pagpapataw ng multa sa mga concessionaire sa susunod na buwan para mapangalagaan ang interes ng mga konsyumer.

Aminado si Ty na agrabyado ang mga konsyumer ngayon kung kaya’t kailangan aniyang pagbutihin ng Maynilad ang kanilang serbisyo.

“Hindi sapat ang kanilang nakukuhang penalties right now,” dagdag pa ni Ty.

(Eileen Mencias/Catherine Reyes)