Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Patok ang skin care na plant-based

Wala nang pinipiling kasarian ang pagiging banidoso. Halos lahat ngayon, gustong maging kaaya-aya ang hitsura sa paningin ng iba. Kanya-kanyang diskarte para magpa-slim, magpa-skin whitening at magpakinis ng balat.

‘Yun nga lang, kapag nasobrahan sa paggamit ng beauty products – imbes makatulong, kung minsa’y nakasisira pa sa pisikal na anyo ng isang tao lalo na kung matapang ang sangkap ng gagamiting produkto.

Para siguradong ligtas sa i-aapply na beauty products, subukan ang Vegan Beauty PH – ang skin care products na gawa sa halaman at mineral-based. Wala itong halong kemikal kaya tiyak na swak sa sensitive skin.

Nakaka-proud dahil personal kong kakilala ang nasa likod ng Vegan Beauty PH – si Celeste Boniquit-Cataquis na kaibigan at kaklase ko noong kolehiyo sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Bago pasukin ang negosyong ito, nagma-manage ng resort sa Puerto Galera si Celeste kasama ang kanyang mister. Pero dahil sa pandemya, tumamlay ang kanilang kabuhayan sa tourist spot na ito. Buti na lang at nakaisip daw siya ng panibagong pagkakakitaan.

Kuwento ni Celeste, nagsimula siya sa organic alcohol at laundry products nitong kasagsagan ng pandemya hanggang sa sinubukan na rin niya ang skincare products. Wala pa nga raw siyang tatak noong una niyang inilabas ang kanyang mga produkto.

Paglalahad niya, “Binebenta ko ito ng walang brand. May mga clients ako na bumibili tapos nilalagyan nila ng sarili nilang brand. Kaya naisip ko magtayo na ng sarili kong brand. Kumpleto ang permits particularly FDA.”

Ang maganda rito – nakatutulong pa si Celeste sa Iraya Manyan community ng kanilang bayan dahil sila ang gumagawa ng packaging ng mga produkto.

Talaga namang environment-friendly ang strategy nila sa pagnenegosyo. Dahil maging ang mga empty container ng Vegan Beauty PH, puwedeng dalhin sa 100 Aling Tindera Sites na nakakalat sa buong bansa para ma-recycle.

Abot-kaya ang set ng produkto sa halagang P598.

May payo naman si Celeste sa mga nagbabalak ding magnegosyo. Aniya, “Tiyaking may unique selling proposition ang produkto. Ito kasi ang magiging laban mo sa naglalakihang kumpanya at matatagal na sa industriya.”

Importante rin daw na isama ang komunidad sa business strategies. Mas nakakaengganyo raw paunlarin ang negosyo kapag alam mong hindi lang para sa’yo ang tagumpay.